Sa isang malayong bayan sa Norte ay may isang napakagandang dalaga na Liwayway ang pangalan. Ang kagandahan ni Liwayway ay nakarating hanggang sa malalayong bayan. Hindi naging kataka-taka kung bakit napakarami ng kanyang naging mga manliligaw. Mula sa hilaga ay isang grupo ng mga mangangaso ang nagawi sa lugar nina Liwayway. Sa kasamaang palad, si Tanggol, isa sa mga ito ay inatake ng baboy-ramo. Ang binata ay dinala sa ama ni Liwayway para mabigyan ng pang-unang lunas. Iyon ang naging daan ng pagkalapit nila. Umibig sina Liwayway at Tanggol sa isa’t isa sa maikling panahon ng pagkakilala.
Nang gumaling si Tanggol, ito ay nagpaalam kay Liwayway at sa
mga magulang niya. Anang binata ay susunduin ang ama’t ina upang pormal na
hingin ang kamay ng dalaga. Puno ng pangarap si Liwayway nang ihatid ng tanaw
si Tanggol. Subalit dagling naglaho ang
pag-asa ni Liwayway na babalik si Tanggol tulad ng pangako. Ilang pagsikat na
ng buwan mula nang umalis ito ngunit ni balita ay wala siyang natanggap. Isang
dating manliligaw ang nakaisip siraan si Tanggol. Ikinalat nito ang balita na
hindi na babalik si Tanggol dahil may asawa na ito. Tinalo
ng lungkot, pangungulila, sama ng loob at panibugho ang puso ni
Liwayway. Nagkasakit siya. Palibhasa ay sarili lang ang makagagamot sa
karamdaman kung kaya ilang linggo lang ay naglubha ang dalaga at namatay. Bago
namatay ay wala siyang nausal kundi ang mga salitang, “Isinusumpa kita! Sumpa
kita…” Ang mga salitang “Isinusumpa kita! Sumpa kita…” ang tanging naiwan ni
Liwayway kay Tanggol. Ilang araw makaraang mailibing si Liwayway ay dumating si
Tanggol kasama ang mga magulang. Anito ay hindi agad nakabalik dahil nagkasakit
ang ina. Hindi matanggap ng binata na wala na ang babaing pinakamamahal. Sa
sobrang paghihinagpis, araw-araw ay halos madilig ng luha ni Tanggol ang puntod
ni Liwayway. Hindi na rin siya bumalik sa sariling bayan upang mabantayan ang
puntod ng kasintahan. Isang araw ay may napansin si Tanggol sa ibabaw ng puntod
ni Liwayway. May tumubong halaman doon, halaman na patuloy
na dinilig ng kanyang mga luha. Nang mamulaklak ang halaman ay
may samyo iyon na ubod ng bango. Tinawag iyong ‘sumpa kita’, ang mga huling
salitang binigkas ni Liwayway bago namatay. Ang ‘sumpa kita’ ay ang pinagmulan
ng salitang ‘Sampaguita’.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento