Noong unang
panahon ay may mag-ina ang nakatira sa isang bahay-kubo. Ang anak na si Maria
ay may suklay na ginto at kuwintas na may butil-butil na ginto. Halos araw-araw
ay isinusukat niya ang suklay at kuwintas at tinitingnan niya sa kanyang anino
sa tubig kung siya ay maganda. Isang araw nang isinusukat ni Maria ang suklay
at ang kuwintas ay tinawag siya ng kanyang nanay.
“Maria, magbayo
ka ng palay,” ang wika ng ina.
“Opo,” ang
sagot ni Maria, nguni’t hindi siya kumilos.
“Maria,
magmadali ka,” ang tawag na muli ng matanda. “Wala tayong bigas na isasaing.”
“Opo, sandali
po lamang,” ang tugon ni Maria, nguni’t hindi niya inaalis ang kanyang tingin
sa kanyang anino sa tubig.
“Maria,
sinasabi ko na sa iyong magbayo ka ng palay. Madali ka,” ang galit na galit na
utos ng matanda.
Tumindig si
Maria at tuloy-tuloy siya sa lusong ng palay. Hindi na niya naalis ang suklay
at kuwintas. Nalalaman niyang kapag galit na galit na ang kanyang nanay ay
dapat siyang sumunod nang madali. Nagbayo na siya nang nagbayo ng palay.
Pagkatapos ng ilang sandali, siya ay pinawisan.
“Napupuno ng
pawis ang aking kuwintas,” ang wika ni Maria sa kanyang sarili.
“Hinubad niya
ang kuwintas. Inalis ang kanyang suklay. Isinabit ang mga ito sa langit na noon
ay mababang-mababa at naabot ng kamay. Habang siya ay nagbabayo ay tinitingnan
ang suklay at kuwintas.
“Kay ganda ng
aking suklay at kuwintas,” ang wika ni Maria sa kanyang sarili. “Pagkatapos na pagkatapos
ko nang pagbabayo ng palay ay isusuot ko uli ang aking suklay at kuwintas.”
Sa gayong
pagsabi ay dinalas niya ang pagbabayo ng palay upang ito ay matapos at maisuot
niya uli ang suklay at kuwintas. Tumaas ng tumaas ang pagbuhat niya ng halo at dumalas
nang dumalas ang pagbagsak nito sa lusong. Umaabot na pala ang dulo ng halo sa
langit, nguni’t hindi niya napapansin. Sa palay na ngayon ang kanyang tingin.
Tinitingnan niya kung malapit na siyang makatapos upang maisuot niya ang suklay
at kuwintas. Itinaas pa niyang lalo ang pagbuhat ng halo upang lumakas ang
pagbagsak nito sa lusong at nang madaling mabayo ang palay.
Sa bawat
pagtaas pala niya ng halo ay bumubunggo ang halo sa langit at sa bawat
pagbunggo naman ay tumataas ang langit. Nang mapuna ni Maria ang nangyayari ay
mataas na ang langit. Tangay-tangay ang kanyang gintong suklay at kuwintas.
Hindi na niya maabot ang mga ito.
Tumaas nang
tumaas ang langit. Tumaas din nang tumaas ang suklay at kuwintas. Noong gabing
yaon ay umupo si Maria sa may bintana at tinintingnan niya ang langit na ngayon
ay mataas na mataas na. Hinanap niya ang kanyang suklay at kuwintas. Naroroon
ang kanyang gintong suklay at siyang naging buwan. Ang mga gintong butil ng
kanyang kuwintas at nagkahiwa-hiwalay at siya namang naging mga bituin.
“Lalong maganda
ngayon ang aking gintong suklay,” ang wika ni Maria sa kanyang sarili, “At
anong kinang ng mga butil ng aking kuwintas!”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento