Biyernes, Abril 16, 2021

MGA KONSEPTONG MAY KAUGNAYANG LOHIKAL

 

MGA KONSEPTONG MAY KAUGNAYANG LOHIKAL

(I-Click ang larawan para sa bidyong panturo)

      May mga konseptong higit na nagiging makahulugan kapag pinag-ugnay o pinagsama. Halimbawa nito ang mga konseptong nagpapahayag ng relasyon o kaugnayang lohikal tulad ng dahilan at bunga, layunin at paraan, paraan at resulta, kondisyon at bunga o kinalabasan.

1. Dahilan at Bunga/ Resulta

      Nagpapahayag ng sanhi o dahilan ang dahilan ng isang pangyayari. Nagsasabi naman ng bunga o kinalabasan ang resulta nito.

     Tingnan ang halimbawang mga pangungusap na nagpapakita ng relasyong dahilan/sanhi at resulta/ bunga. Pansinin ang mga pang-ugnay na ginamit, gayon din ang padron ng pagsusunod-sunod ng mga konsepto. 

(dahilan + pang-ugnay+resulta)

Nag-aaral siyang mabuti kaya/kaya naman natuto siya nang husto.

   (dahilan + pu + resulta; may hinto sa pagitan ng dahilan at resulta)

Nag-aaral siyang Mabuti dahil dito/Bunga nito/Tuloy natuto siya nang husto.

(pu + dahilan + resulta; may hinto pagkatapos ng dahilan)

Sapagkat/Pagkat/Dahil nag-aral siyang mabuti , natuto siya nang husto.

(resulta + pu + dahilan)

Natuto siya nang husto sapagkat/pagkat/kasi/ dahil nag-aral siyang mabuti

      Makikitang maipahahayag ang relasyong dahilan at bunga sa iba’t ibang paraan. Ginagamit ang mga kawsatib na pang-ugnay na sapagkat, dahil, dahilan sa at kasi sa pagsasabi ng dahilan o sanhi samantalang naghuhudyat ng resulta o bunga ang mga pang-ugnay na kaya, kaya naman, dahilan dito at bunga nito.

 2. Paraan at Layunin

     Ipinakikita ng relasyong ito kung paano makakamit ang isang layunin o naiisipan sa tulong ng isang paraan. Tingnan ang halimbawa. Pansinin ang mga pang-ugnay, pati na ang padron ng pagpapahayag ng relasyon. (Nakatuon sa layunin ang arrow o palaso)

 

       (pu + layunin + paraan May hinto pagkatapos  ng Layunin)

Upang/Para matuto nang husto, nag-aaral siyang mabuti.        

        (paraan + pu + layunin)

Nag-aaral siyang Mabuti upang /para/nang sa ganoo’y  matuto nang husto.

    Sa relasyong ito, ginagamit ang mga pang-ugnay na para, upang, o   nang sa ganoon upang maihudyat ang layunin.

3. Paraan at Resulta

      Nagpapakita ang relasyong ito kung paano nakukuha ang resulta.

(paraan + resulta)

Sa matiyagang pag-aaral, nakatapos siya ng kaniyang kurso.

         (resulta + paraan)

Nakatapos siya ng kaniyang kurso sa matiyagang pag-aaral.

     Mapapansing walang ginamit na pang-ugnay sa relasyong ito. Inihuhudyat ng sa ang paraang ginamit upang makamit ang resulta.

4. Kondisyon at Bunga o Kinalabasan

   Maihahayag ang relasyong ito sa dalawang paraan:Una, tumbalik o salungat sa katotohanan ang kondisyon..

     (pu + kondisyon +   bunga)

Kung nag-aaral ka lang nang mabuti, sana’y natuto ka nang husto.

          (bunga + pu +  kondisyon)

Natuto ka sana nang husto kung nag-aral kang mabuti.

At ikalawa, haypotetikal ang kondisyon; tulad nito:

     (pu+ kondisyon + bunga)

Kapag/Sa sandaling/ basta’t nag-aral kang mabuti, matututo ka nang husto.

      (bunga + pu + kondisyon)

Matututo ka nang husto kapag/ sa sandaling/ bastat nag-aral kang mabuti.

    Sa unang paraan (salungat sa katotohanan ang kondisyon), ginamit ang pang-ugnay na kung at karaniwan itong sinamahan ng sana upang maipakitang salungat nga sa katotohanan ang bunga o kinalabasan. Sa ikalawa, ginamit ang kapag, sandaling… o basta’t upang ipahayag na maaaring maganap ang isang pangyayari kung isasagawa ang kondisyon.

 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Talinghaga Tungkol sa Tatlong Alipin