Miyerkules, Abril 7, 2021

Katotohanan at Opinyon, Paghihinuha at Pagbibigay ng Sariling Interpretasyon Mga Ekspresyon sa Paghahayag ng Konsepto ng Pananaw.

Katotohanan at Opinyon, Paghihinuha at  Pagbibigay ng Sariling Interpretasyon 

Mga Ekspresyon sa Paghahayag ng Konsepto ng Pananaw.

 


KATOTOHANAN -Ito ay ang mga pangyayaring umiiral o nangyari na may batayan at tiyak.

 Maaring gamitan ng mga sumusunod na salita ang katotohanan:

* batay sa, resulta ng

* mula sa, tinutukoy na/sa

* mababasa sa, pinatutunayan ni

 HALIMBAWA:

1. Ang Thailand ay nasa Timog-Silangang Asya.

2. Ang pangulo ng Pilipinay ay si Pres. Rodrigo R. Duterte.

3. Si Deogracias Rosario ay ang Ama ng Maikling Kwento.

4. Ayon sa resulta ng imbestigasyon, napatunayan na si Mario ay may sala.

5. Batay sa Deped,ang pag-aaral ay magpapatuloy parin sa kabila ng nararanasang pandemya sa bansa. .

 OPINYON- Ito ay pala-palagay, kuru-kuro o haka-haka lamang ng isa o ilang tao na hindi pa napapatunayan.

Maaring gamitan ng mga sumusunod na salita ang opinyon:

* sa pakiwari ko, kung ako ang tatanungin,

* para sa akin, sa ganang akin

* daw/raw, sa palagay ko

* sinabi, sang-ayon

 HALIMBAWA:

1. Para sa akin, adobo ang pinakamasarap na pagkain.

2. Maganda raw ang Bulkang Mayon ayon kay Mila.

3. Kung ako ang tatanungin, mas gusto ko ang kulay asul kaysa sa berde.

4. Sa aking palagay marami ang nawalan ng trabaho dulot ng pandemya.

5. Sinabi ni  Leona mainit sa Tagaytay ngayon.

 

PAGHIHINUHA:

     Ito ay isang hula o palagay na walang kasigarudahan at di-tiyak ang isang pangyayari. Ito ay tinatawag na guess, infer o inference sa wikang Ingles. Ang paghihinuha ay isang proseso kung saan naglalayong maipaliwanag o mabigyang-kahulugan sa tulong ng mga pahiwatig o ng sariling kaalaman ang pangyayari.

 

SARILING INTERPRETASYON:

Ito ay tumutukoy sa kanyang sariling pagtingin, opinyon o pananaw matapos niyang basahin, makita o masaksihan ang isang bagay o pangyayari.

 

Mga Ekspresyon sa Paghahayag ng Konsepto ng Pananaw.

 

1. May mga ekspresiyong nagpapahayag ng konsepto ng pananaw.

        Kabilang dito ang ayon/batay/para/sang-ayon sa/kay, ganoon din sa paniniwala/pananaw/akala ko/ni/ng, at iba pa. Inihuhudyat ng mga ekspresyong ito ang iniisip, sinasabi o paniniwalaan ng isang tao. Tulad nito:

 

Ayon/ Batay/ Sang-ayon sa 1987 Konstitusyon ng Pilipinas, ang Filipino ang pambansang wika at isa sa mga opisyal na wika ng komunikasyon at sistema ng edukasyon.

 

Sa paniniwala/ akala/ pananaw/ paningin/ tingin/ palagay ni/ ng Pangulong Quezon, mas mabuti ang mala-impiyernong bansa na pinamamahalaan ng mga Pilipino kaysa makalangit na Pilipinas na pinamumunuan ng mga dayuhan.

 

Inaakala/ Pinaniniwalaan/ Iniisip kong hindi makabubuti kanino man ang kanilang plano.

 

Sa ganang akin/ Sa tingin/ akala/palagay ko, wala nang gaganda pa sa lugar na ito.

 

2. May mga ekspresiyong nagpapahiwatig ng pagbabago o pag-iiba ng paksa at/ o pananaw, tulad ng sumusunod na halimbawa. Gayon man, mapapansing di tulad ng  naunang mga halimbawa na tumitiyak kung sino ang pinagmumulan ng pananaw, nagpapahiwatig lamang ng pangkalahatang pananaw ang sumusunod na halimbawa:

 

Sa isang banda/ Sa kabilang dako, mabuti na rin sigurong nangyari iyon upang matauhan ang mga nagtutulog-tulugan.

 

Samantala, makabubuti sigurong magpahinga ka muna para makapag-isip ka nang husto.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Talinghaga Tungkol sa Tatlong Alipin